2 PASLIT PATAY, LOLA SUGATAN SA PANANAKSAK

CAGAYAN- PATAY ang dalawang paslit habang sugatan naman ang kanilang lola matapos na pagsasaksakin ng caretaker sa Sta Teresita sa lalawigang ito.

Batay sa report ni Maj. Geoffrey Retreta, chief of Police ng PNP Sta Teresita, ang dalawang biktima na binawian ng buhay ay pinangalanan lamang na sina Boy, 6-anyos at Nene, 5-anyos habang patuloy naman nilalapatan ng lunas sa pagamutan si lola Evelyn Perez, 64-anyos at nakatira sa Barangay Villa, Sta Teresita, Cagayan.

Lumitaw sa isinagawang pagsisiyasat ng mga imbestigador na may hawak ng kaso, dakong alas-10:45 ng gabi nang lumabas ng kuwarto si Perez para isara ang kanilang pintuan at mga bintana habang nakahiga na ang kanyang mga apo.

Matapos maisara ang mga bintana ay bumalik na ang biktima sa kanyang kuwarto na laking gulat nang makita ang suspek kung saan ay bigla na lamang itong inundayan ng saksak bago tinalian ng charger ng cellphone ang mga kamay nito.

Isinunod namang pinagsasaksak ang dalawang bata bago hinalughog ang kanilang at dagliang tumakas dala ang mga alahas at pera ni Perez.

Agad namang isinugod ng ilang mga kapitbahay ang mga biktima sa pagamutan subalit bago nadala sa pagamutan si Perez ay sinabi nito na ang suspek ay si Gerry Genova, tubong Calayan at dati nilang caretaker sa farm na inalis dalawang buwan ang nakakaraan sa dahil sa pagnanakaw sa farm.

Gayundin, ilang beses na bumabalik ang suspek sa bahay ng mga Perez upang kunin ang kanyang naiwang suweldo ngunit binabale wala ito ng pamilya ng biktima.

Ayon sa pulisya sa tulong ng mga kapitbahay ay agad namang nahuli ang naturang suspek sa kanyang tinutuluyang farm na malapit din sa farm ng mga Perez at narekober dito ang isang sling bag na naglalaman ng mga alahas na ninakaw sa bahay ng biktima.

Dagdag pa pulisya na ang nakikita nilang dahilan sa ginawang pananaksak at pagnanakaw ng suspek ay galit at paghihiganti. EVELYN GARCIA