2 PATAY, 1 SUGATAN SA PAMAMARIL

COTABATO CITY-HINDI na nakaligtas pa sa tiyak na kamatayan ang dalawa katao habang isa naman ang malubhang nasugatan sa naganap na pamamaril sa lalawigang ito.

Batay sa report ng pulisya, unang binawian ng buhay ang biktimang si Munward Jordan Imam,20-anyos at sugatan si Cristel Mangubat,19-anyos.

Nabatid na lulan ng isang tricycle ang dalawang biktima patungo sa Boliao 1 Supermarket Mother, Barangay Poblacion Cotabato City nang bigla na lamang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola.

Samantala, patay din ang isang Arven Facturan Ponce,36- anyos,may asawa, dating preso at residente ng Purok pagkakaisa Barangay Poblacion 2 ng Cotobato City.

Ayon kay CCPO Police Station 1 Commander Major John Vincent Bravo,nakaupo lamang ang biktima sa harap ng isang sari-sari store nang lapitan ng mga suspek at pinagbabaril ng maraming beses gamit ang kalibre.45 na pistola.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ibat ibang parte ng katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Cotabato City PNP sa magkasunod na pamamaril.
EVELYN GARCIA