INARESTO ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)- Regional Field Unit NCR NMMDFU ang dalawang pekeng dentista matapos na magsagawa ng entrapment operation nitong Huwebes ng gabi sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Ang mga naaresto ay kinilala ni CIDG BGen. Director Romeo Caramat Jr. na sina Corazon Nene Depalobos, 56-anyos, at Rose Marie Abordo Delosta, 56-anyos, kapwa tumatayong assistant dentist sa Cardinal Casasiempre Dental Clinic.
Inaresto ang dalawa matapos na walang maipakitang lisensiya at sertipikasyon bilang tunay na dentist.
Nakuha ng mga awtoridad ang ilang kagamitan ng dentista at mga dokumento.
“Ang karagdagang imbestigasyon ay isinasagawa ng mga operatiba ng CIDG upang matukoy at mahanap ang nagmamay-ari ng nasabing dental clinic,” ani Caramat.
Sasampahan ng paglabag RA 9484, Section 33 ang mga suspek.
“Sa ilalim ng direktiba ng ating Chief PNP Gen Benjamin C Acorda Jr partikular sa agresibong pagpapatupad ng batas, ang CIDG ay patuloy na paiigtingin ang kampanya nito laban sa mga walang lisensyang medikal practitioner upang matiyak na ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan ay hindi maipaubaya sa mga hindi awtorisadong manggagamot,” dagdag pa ni Caramat. EVELYN GARCIA