BULACAN – DALAWANG pekeng NPA kumander na sinasabing nangingikil sa mga negosyante at mga farm owner ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng San Ildefonso PNP, Bulacan Provincial Intelligence Unit(PIU)at Northern Police District(NPD) sa aktong tinatanggap ang P5,000 mula sa isang kliyente sa Caloocan City kamakalawa.
Base sa ulat ni P/Major Russel Dennis Reburiano, chief of police ng San Ildefonso kay P/Col.Lawrence B. Cajipe, Bulacan provincial police director, nakilala ang mga suspek na sina Carlon Villanocho y Mamorno at Ronaldo Mamorno y Lanzarote.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nagpakilala ang mga suspek na NPA kumander sa bulubunduking bayan sa lalawigan ng Bulacan at ilan sa kanilang biktima ay may negosyong Kooperatiba at may-ari ng mga farm sa bayan ng San Ildefonso kung saan nanghihingi sila ng pera at alagang kambing.
Dahil dito, ikinasa ang entrapment operation katuwang ang Bulacan PIU sa pangunguna ni P/Major Jansky Andrew Jaafar at NPD operatives sa sangay ng Padala Center sa panulukan ng Libis Street at A. Mabini Avenue, Caloocan City.
Hindi na nakapalag ang dalawang suspek nang maaktuhang iaabot sa kanila ang P5,000 cash na padala ng negosyanteng kinikilan habang bineberipika ang katauhan ng mga ito kung kaanib ng NPA. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.