DALAWANG bowlers, sa katauhan nina reigning World Cup champion Lyn Krizzhia Tabora at Enzo Hernandez, ang sigurado na sa Asian Games at ang ibang aspirants ay kasalukuyang nagsusukatan ng galing sa eliminations na isinasagawa ng Philippine Bowling Federation.
Ang mga makalulusot sa elims ay kakatawan sa Filipinas sa quadrennial meer na aarangkada sa Agosto sa Indonesia kung saan muling mapapalaban ang mga Pinoy sa mga bigatin sa rehiyon sa dalawang linggong torneo na huling nilaro sa Incheon, South Korea, apat na taon na ang nakararaan.
Kasama sa mga aspirant sina Kenneth Chua, Enzo Hernandez, Raoul Miranda, Kevin Cu, Jomar Tumapao, Anton Alcazaren, Merwin Tan, Ivan Malig, Liza del Rosario, Lara Posadas, Alexia Sy, Dyan Coronacion, Rachelle Leon, at Mades Ailes.
Ang mga mapapasama sa official lineup ay hahasain nina coach Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno at Engelberto ‘Biboy’ Rivera, kasama si Jojo Canare para lumakas ang tsansa na manalo ng medalya.
Si Nepomuceno ang tanging bowler sa buong mundo na nanalo ng apat na World Cup habang si Rivera ay dating Asian Masters champion. Nagretiro ang dalawa para hawakan ang national team.
Hindi naging matagumpay ang kampanya ng bowling sa nakaraang Asian Games kung saan naglaro si Rivera bago nagretiro para tulungan si Nepomuceno na palakasin ang bowling.
“We have ample time to harness the skills of the players to perfection,” sabi ni Nepomuceno, nanalo ng World Cup noong 1974, 1982,1992 at 1996 upang mapasama sa Guinness Book of World Records.
Ang Philippine Bowling Federation ay pinamumunuan ni Steve Robles kung saan pinalitan niya si Steve Hontiveros.
Hindi rin maganda ang ipinakita ng mga Pinoy bowler sa nakaraang Southeast Asian Games sa Malaysia sa lungkot ni Hontiveros.
“Hopefully, our bowlers will figure decently in Indonesia and ultimately erased the sad memories in Korea and Malaysia,” sabi ni Hontiveros, dating Philippine Olympic Committee secretary general.
Huling nanalo ang mga Pinoy bowler sa Asian Games noong 1994 sa Hiroshima, Japan nang kunin ng five-man team, kasama si Nepomuceno, ang silver at nagbigay si Irene Garcia ng bronze sa women’s masters.
Ang bowling ay kasama sa 10 priority sports ng Philippine Sports Commission (PSC). CLYDE MARIANO
Comments are closed.