2 PINOY SA UAE NAISALBA SA DEATH ROW

SAUDI ARABIA

PINAGKALOOBAN ng pardon ng United Arab Emirates ang tatlong convicted na Pilipino — dalawa sa kanila ay nasa death row dahil sa drug trafficking at ang isa ay nasentensiyahan ng 15 taong pagkakabilanggo dahil sa slander.

Kasunod ito ng ginawang apela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan.

“I am pleased to inform you that the appeal of President Ferdinand Marcos Jr. for three Filipinos, two of which are sentenced to death because of drug trafficking and one sentenced for 15 years for the crime of slander, has been granted for humanitarian pardon by our President,” wika ni UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi.

Ayon kay PCO Secretary Cheloy Velicaria Garafil, nagkausap na sina Pangulong Marcos at UAE President Sheik Mohamed, kung saan nagpasalamat si Pangulong Marcos sa naging tugon sa kaniyang hiling, dalawang buwan na ang nakararaan.

Ginamit din ng Pangulo ang pagkakataon upang pasalamatan ang UAE government sa pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong Pilipino dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Kinilala naman ng UAE President ang kontribusyon ng 600,000 OFWs sa kanilang bansa.