2 PINOY SWIMMERS NAKAHABOL SA TOKYO OLYMPICS

Luke Gebbie at Remedy Rule

OPISYAL nang makakasama sa Philippine delegation sa Tokyo Olympics sina US-based swimmers Luke Gebbie at Remedy Rule matapos mapili para sa universality slots na ibinibigay sa mga bansang walang atletang nakapasok sa qualifying round sa swimming.

Bunsod nito, umabot sa 19 ang atletang Pinoy sa quadrennial Games at iginiit ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang kahandaan ng delegasyon.

“In three weeks, the urn in Tokyo will be burning and Team Philippines —from the athletes and coaches down to the secretariat are ready for action,” pahayag ni Tolentino.

Pangungunahan ni Chef de Mission Mariano Araneta ang unang batch ng opisyal at support staff na tutulak patungong Tokyo via Narita Airport sa July 15. Makakasama niya sina team doctor Randy Molo, POC general manager and Secondary Olympic Attache Dinah Remolacio, COVID-19 Liaison Officer (CLO) chief Atty. Billy Sumagui, Games Management Officer and Secondary CLO Martin Gregorio at Protocol Officer and Secondary Activity Monitoring Officer Jarryd Bello.

“The POC and the Philippine Sports Commission [PSC] secured the Conrad Hotel just in time and we’re glad that has been accomplished. In terms of administrative and secretariat matters, we’re all settled,” ani Tolentino.

Naipadala na ng PSC sa organizers ang paunang P11 milyon para sa accommodation expense ng Team Philippines. Kabuuang P200 milyon ang budget ng pamahalaan, kabilang ang P48-M para sa actual participation.

Susunod na aalis ang mga atleta batay sa nakatakdang iskedyul ng kanilang laro.

Sa opisyal na liham ng International Swimming Federation (FINA) kay Philippine Swimming Incorporated president Lani Velasco, sina Gebbie at Rule, kapwa 24-anyos, ang may pinakamataas na puntos sa listahan ng mga Pinoy swimmer.  Tangan ni Gebbie ang 828 FINA points, habang si Rule ay may 830.

“We congratulate the two swimmers for making it to the Philippine Olympic team,” pahayag ni Velasco. “We thank them for their continuing dedication and sacrifice to serve our country well and we wish them all the best at the coming Olympic Games!”

Sasabak si Gebbie sa 50- at 100-meter freestyle, habang si Rule ay lalangoy sa 200m butterfly at 200m freestyle events.

Kabilang din sa Tokyo Olympic-bound Filipinos sina golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Juvic Pagunsan, pole vaulter EJ Obiena, gymnast Caloy Yulo, rower Cris Nievarez, taekwondo jin Kurt Barbosa, skateboarder Margie Didal, shooter Jayson Valdez, runner Kristina Knott, judoka  Kiyomi Watanabe, weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando at boxers Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam. EDWIN ROLLON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *