DALAWANG Special Action Force (SAF) trainees ang nasawi habang apat pang pulis ang malubhang nasugatan sa naganap na engkuwentro laban sa New People’s Army (NPA) sa Gamay, Northern Samar kamakailan.
Ayon sa PNP-Police Regional Office 8, naganap ang sagupaan sa Barangay Lunoy .
Sinasabing ang mga biktima ay sumasailalim sa Special Action Force Commando Course (SAFCC) para maging ganap na kasapi ng Philippine National Police (PNP)-SAF.
Napag-alaman na ang mga nasawi ay mga batang pulis na may ranggong Patrolman, habang ang mga sugatan ay Police Lieutenants at nadala na sa ospital para gamutin.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng pulis at Philippine Army sa ground habang may nagsisilbing air cover mula sa Philippine Air Force air asset na agad na minobilisa sa pagtugis sa mga rebelde.
Kaugnay nito , ginawaran ng parangal ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos ang dalawang bagitong pulis na agad napasabak sa sagupaan laban sa mga miyembro ng CPP-NPA.
Ang dalawang nasawing SAF trainees ay sina Pat. Franklin Marquez at Pat. Jimmy Caraggayan na nasawi nang mahagip ng improvised explosive devices (EID) na itinamin ng NPA bilang depensa sa kanilang pinagtataguan.
Mariin naman kinondena ni Carlos ang ginawang karahasan ng NPA. VERLIN RUIZ