2 PULIS, 1 SIBILYAN SUGATAN SA PAMAMARIL

LANAO DEL NORTE- HIMALANG nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang 2 pulis at isang sibilyan makaraang barilin nang malapitan ng mga miyembro ng gun-for-hire habang kumakain sa Purok 4, Maigo sa lalawigang ito.

Batay sa pahayag ni Lanao del Norte Police Provincial Office Director Col. Sandy Vales, unang nakikita nilang motibo ay ang anggulo ng paghihiganti laban kina Cpls Jeanette Limot at Pabliton Daing habang naghahapunan sa lugar.

Nadamay din umano ang isa pang sibilyan na nadamay sa nasabing insidente.

Agad namang tumakas ang mga suspek matapos na sumaklolo ang ilan pang kasamahan pulis ng mga biktima dala ang mga armas na ginamit sa pamamaril na isang kalibre.45 at isang 9mm pistol.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, katatapos lamang ng pagsasagawa ng visibility police patrol operation ng mga biktima kung saan ay nasakote ng grupo ang isa umanong carnapping suspek.

Ito umano ang pangunahing dahilan kung bakit nilusob ng mga suspek ang mga biktima na noon ay kumakain ng hapunan sa isang tindahan.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang nasabing mga suspek para papanagutin sa kasalanan ginawa ng mga ito sa mga biktima. EVELYN GARCIA