ISABELA-DALAWANG pulis at dalawang iba pa ang kinasuhan kaugnay ng pagdukot sa isang binatilyo sa Barangay 3, San Mateo, halos isang buwan na ang nakalipas.
Sa pahayag i Gng. Ubaldo, nanay ng nawawalang si alyas John, 17-anyos, na naging batayan ang pagsasampa nila ng kaso laban sa dalawang pulis at dalawang iba pa ang pagsasabi na ng katotohanan ng barangay tanod na unang nagsabi na isinakay sa kanyang traicycle ang binatilyo.
Inamin ng barangay tanod na isinakay sa isang magandang sasakyan ang binatilyo at kilala rin niya ang driver.
Ang kasong kidnapping ay unang isinampa sa Cauayan City Prosecutor’s Office ngunit inilipat sa Provincial Prosecutor’s Office sa Lunsod ng Ilagan.
Sinabi ng ginang na sinampahan din ng kasong administratibo ang dalawang pulis sa Provincial Internal Affairs Service (IAS) ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).
Ang isa sa mga kinasuhang pulis ay kasapi ng San Mateo Police Station at itinuro ng mga batang hinuli dahil sa paratang na pagnanakaw sa isang burger stand na siya ang pumalo sa kanilang mga kamay at nagpa-squat sa kanila sa ilalim ng init ng araw
Samantala, nagulat si Gng Ubaldo na may natanggap siya kahapon na chat mula sa messenger ng kanyang anak na nagsasabing hirap na hirap na siya, dinala siya sa isang liblib na lugar at binubugbog siya.
Sinabi niya ang pagmamahal sa kanyang mga kapatid at magulang at maaaring iyon na ang kanyang huling text.
Ayon kay Ubaldo batay sa pagte-text sa kanila ng anak ay hindi siya naniniwala na ang binatilyo ang nag-chat kundi ang mga dumukot sa kanya.
Nabanggit din ni Ginang Ubaldo na nagkaroon siya ng panaginip tungkol sa anak na dumating na maganda ang damit at nakangiti.
Binigyang-diin ng ginang na ayaw niyang isipin na wala na ang kanyang anak.
Mahirap para sa kanya na isipin na patay na ang anak lalo na kung nakikita niya ang larawan nito sa kanyang cellphone. IRENE GONZALES