DALAWANG pulis at dalawang sundalo ang kasama sa pitong kaso ng indiscriminate firing na isinampa ng Philippine National Police (PNP) sa pagsalubong ng Kapaskuhan.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, sangkot sa insidente ng iligal na pagpapaputok ng baril ang dalawang pulis at dalawang sundalo na kapwa nasampahan na ng reklamo at kinumpiska na rin ang kanilang mga baril.
Kabilang din ang isang sibilyan at dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang sangkot sa iligal na pagpapaputok ng baril.
Sakop ng nasabing bilang, mula Disyembre 6 hanggang Disyembre 25.
“Mula noong December 6 hanggang kahapon po ay may naitala na po tayong pitong insidente ng illegal discharge of firearms,” ayon kay Fajardo.
Ang mga pulis na sangkot ay mula sa Davao at Maynila habang hindi naman nabanggit ang dalawang sundalo.
Kaugnay nito, inihayag naman ni AFP Spokesman Col. Medel Aguilar, ang dalawang sundalong sangkot ay arestado na.
Ani Aguilar, may mga umiiral na silang polisiya hinggil sa mga sundalong nahuling iligal na nagpaputok ng kanilang mga baril.
“We have systems and procedures for the conduct of procedure, and if necessary na ito ay iakyat sa court martial ay ating ipapatupad,”
“Meron ding kaparusahan ang ganyang kasalanan and yan ay depende sa guilt na makikita ng mga investigators,” paliwanag pa ni Aguilar.
EUNICE CELARIO/ VERLIN RUIZ