CAVITE- INARESTO ng mga tauhan ng Bacoor city police station ang dalawa nilang kabaro matapos ireklamo ng panghahalay ng isang Grade-12 student ng Bacoor City nitong Miyerkules ng umaga.
Sa pahayag ni Colonel Christopher Olazo, Cavite police director, kinilala ang dalawang pulis na sina Master Sergeant Rey Mendoza Pogoso at Corporal Bryan Santiago Baladjay, parehong naka- assign sa Police community Precinct 1 sa Imus City Police station ng nasabing lalawigan.
Ang dalawa ay nahaharap sa mga kasong rape by sexual assssult at administratibo.
Ang mga suspek ay dinakip ng mga operatiba ng Bacoor City Police sa Malacas apartment sa Kudarat St., Bahayang Pag-asa 6, Barangay Molino V, Bacoor city.
Ayon kay Col. Olazo, ang biktima na itatago sa pangalang “Roma” at ang ka- live in nito ay nakipag-inuman sa isa nilang kaibigan at sa dalawang nasangkot na pulis sa nabanggit na apartment.
Base sa pahayag ni “ Roma” , nakaramdam umano siya ng pagkahilo kung kaya’t maaga siyang nagpaalam sa mga kainuman at umakyat na sa itaas ng bahay at agad na natulog.
Makalipas umano ang ilan saglit, nagising umano ang biktima na katabi na niya ang dalawang pulis kung saan pilit umano siyang ginagawan ng kahalayan ni Baladjay habang hawak naman umano ang kaniyang mga kamay ni Pogoso.
Dahil sa takot na parehong mga pulis ang nanghahalay sa kanya, sinabi ni Roma na nagkunwari umano siyang nawalan ng malay at hinayaan ang mga suspek sa ginagawang pang- aabuso.
Nang makaraos na umano ang dalawang pulis ay agad na tumakbo ang biktima at humingi ng tulong sa mga kaibigan nito.
Mabilis namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima kasama ang mga tumulong sa kanya na nagresulta sa pagkadakip kina Pogoso at Baladjay.
Idinagdag pa ni Olazo na iniwan ng dalawang pulis ang kanilang “post” sa community precinct at nakipag-inuman sa biktima at sa mga kasama nito.
Nakakulong na sa Bacoor custodial cell ang dalawang pulis.
ARMAN CAMBE