2 PULIS BUGBOG SARADO SA 2 INARESTONG KELOT

CAPIZ – BUGBOG sarado ang dalawang pulis matapos mabangga ng tricycle at bugbugin ng dalawang kelot sa Bisperas ng Bagong Taon sa bayan ng Jamindan sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga biktima na sina Staff Sgt. Ezequias R. Villeza at Corporal Apolonio L. Llait Jr., kapwa nakatalaga sa Jamindan Municipal Police Station (MPS).

Kinilala naman ni Lieutenant Liberato Cagampang Jr., hepe ng Jamindan MPS, ang mga nadakip na suspek na sina Mark Jason Javier Cano, 22-anyos at Joah Osita Villasis, 24-anyos, kapwa residente ng Barangay Esperanza, ng nasabing bayan.

Batay sa report ng pulisya, bandang alas-12:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Smith Sts. at San Cruz St. Poblacion, Jamindan, Capiz.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapatrolya ang mga biktima sa nasabing lugar para paalalahanan sa mga aksidente dulot ng fireworks at putukan sa kalagitnaan ng pagsalubong ng Bagong Taon.

Bigla na lamang humaharurot ang motorsiklo na minamaneho ni Villasis dahilan para mabangga nito si Llait hanggang sa gumulong sa kalsada.

Tinangkang tumakas ng mga suspek subalit hinarang sila ni Villeza para imbitahan sa kanilang istasyon subalit pagdating sa tapat ng police station bigla na lamang nagpumiglas ang mga suspek at pinagsusuntok ang mga pulis na nauwi sa rambulan.

Naawat lamang ang mga suspek makaraang arestuhin ang mga ito ng mga kasamahan ng mga biktima.

Nahaharap ngayon sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury, Direct Assault, at Resisting Arrest sina Cano at Villasis.

EVELYN GARCIA