2 PULIS CAVITE, 1 SIBILYAN TIKLO SA PANGONGOTONG

CAVITE- NALAMBAT ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang police officers at isang sibilyan na kasabwat sa pangingikil sa mga transport groups sa Bacoor City.

Ayon kay BGen. Carlito Gaces, Calabarzon PNP director, ang dalawang pulis ay kapwa nakatalaga sa Cavite Police Provincial Office.

Kinilala ang mga suspek na sina Master Sgt. Joselito Bugay, Staff Sgt. Dave Gregor Bautista at John Louie de Leon.

Si De leon ang itinuturo ng mga lider ng mga drivers na siyang nagbibigay ng petsa kung kailan kolektahin ang nasabing kotong sa mga transport groups.

Base sa inisyal na ulat, ilang local transport leaders mula sa Bacoor City ang direktang nagsumbong sa tanggapan ng CIDG sa Camp Vicente Lim dahil umano sa matagal ng “monthly collection” ng nasabing police officers na aabot na umano sa mahigit isang milyong piso.

Sa pahayag ng mga imbestigador, tumatanggap ang mga akusado ng kabuuang P1.5 milyon kada buwan na nagsisilbing payola buhat sa mga driver ng jeeps at tricycles para hindi na umano hulihin ang mga ito kahit may violations.

Lumalabas sa pagsisiyasat na P170,000 kada grupo ng mga driver ang kinokolekta ng mga suspek kapalit ng exemptions sa huli.

Ang dalawang pulis at kasamang sibilyan ay nasa kustodiya na ng CIDG sa Camp Vicente Lim, Laguna at sasampahan ng extortion.
ARMAN CAMBE