2 PULIS DINAPUAN NG COVID-19

DALAWA pang pulis ang dinapuan ng COVID-19 subalit walo naman ang gumaling, ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP)-Health Service.

Dahil sa nasabing dagdag-bawas na kaso ng coronavirus disease sa police force, mayroon na lamang 60 aktibong kaso nito na maituturing na pinakamababa sa organisasyon simula noong isang taon.

Hanggang kahapon, Nobyembre 28, pumalo na sa 42,006 ang bilang ng mga pulis na gumaling sa sakit habang ang naitalang kabuuang kaso ay 42,191.

Wala namang naitalang bagong nasawi sa PNP personnel kaya nananatili sa 125 ang bilang ng nasawi simula nang maitala ang first death noong Abril 2020.

Puspusan pa rin ang paalala ni PNP Chief Gen. Dioanardo Carlos sa kanyang mga tauhan na mag-ingat pa rin laban sa sakit lalo na’t nananatili pa rin itong nakahahawa kahit pa halos buong puwersa nila ay bakunado na.

Sa kabuuang 225,803 na tauhan ng PNP, nasa 210,754 na ang fully vaccinated; 13,080 ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines habang 396,888 ang lahat ng doses na naiturok sa police force.

Mayroon pang 1,969 pulis na hindi pa nababakunahan kung saan ang 859 ay may balidong dahilan gaya ng kanilang kondisyon habang 1,110 ang matatawag na hindi pa kumbinsidong magpabakuna. EUNICE CELARIO