SINIMULAN na ang deployment ng mga pulis sa mga hotel na ginawang quarantine facilities para sa mga returning Overseas Filipinos.
Ito ang anunsyo ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Dionardo Carlos at sinabing ang hakbang ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng heneral na kaniya nang inatasan ang mga police commanders para sa deployment ng dalawang pulis kada hotel.
Pinakilos na rin ni Carlos ang Directorate for Operations hinggil sa deployment ng mga pulis habang ang kanilang isinasagawang operasyon ay alinsunod sa guidance ni Interior Secretary Eduardo Ano.
Ang deployment sa mga hotel quarantine ay upang hindi na maulit ang pagtakas ng mga ROF na nasa quarantine o mapigilan ang absentee quarantine.
Magugunitang isang tinaguriang Poblacion Girl ang lumabas ng kanyang isolation room mula sa isang hotel sa Makati City at gumimik na kinalaunan ay nakahawa pa ng mahigit sampu katao sa COVID-19.
EUNICE CELARIO