2 PULIS PATAY, 2 SUGATAN SA PANANAGA

DAVAO CITY- NAMATAY ang dalawang pulis at isang suspek, habang sugatan naman ang dalawang iba pa sa naganap na insidente ng pananaga at pamamaril sa Purok 4, Barangay Lacson, Calinan District sa lalawigang ito.

Batay sa report ng pulisya, ang mga biktima na binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong malalalim na sugat sa katawan ay sina CMS Tito Didal Lague at Cpl. Mark Anthony Elman Corsino at ang isa sa dalawang suspek sa krimen na si Benao Maanib Landas.

Samantalang malubha namang nasugatan sina Cpl. Ken Leo Diango Gumanoy at driver ng mobile na si Donald Ombrete.

Base sa paunang report, rumesponde ang mobile team ni Corsino sa komosyon dulot ng lalaking nagwawala na may hawak na bolo na si Benao Landas.

Habang pinakikiusapan nina Corsino kasama ang driver nito ang suspek na ibaba ang hawak nitong itak ay biglang na lamang inatake ang dalawa na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng pulis habang nagtamo naman ng malubhang sugat ang driver nito na si Ombrete.

Nang bigla namang dumating sa lugar ng pinangyarihan ang isa pang suspek na nakilalang si Rico Masacay na agad na dinampot ang service firearms ni Corsino.

Sa pagdating ng back-up police mobile na kinalululanan nina Lague at Gumanoy, agad namang silang inatake ng mga suspek.

Nakaganti rin ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek na si Landas, subalit nataga at napatay din si Lague, samantalang sugatan naman si Gumanoy.

Daglian namang tumakas ang isa pang suspek na si Masakay na nahuli rin sa isinagawang follow up operation ng mga awtoridad.
EVELYN GARCIA