2 PULIS TIKLO SA EXTORTION

Extortion

ISABELA – DALAWANG pulis ang nahaharap sa kasong administratibo bunsod ng pangingikil at pagkahuli sa loob ng sabungan sa bayan ng Cabatuan.

Kinilala ni P/Capt. Frances Littaua, public information officer ng IPPO, ang naaktuhang nangingikil sa mga motorista na si P/Sr. Master Sgt. Fidel Rey Dugayon, team leader ng Isabela Special Motor Action Response Team (ISMART).

Isang surveillance ang binuo ng pulisya matapos na makara­ting sa kaalaman ni P/Col. Mariano Rodriguez, Provincial Director ng PNP-Isabela na ang grupo ni Dugayon na garapalang nangingikil sa mga nahuhuli nilang mga motorista sa kanilang nasasakupan.

Napag-alamang ang modus ni Dugayon na ang lahat ng kanilang nahuhuling mga motorista na lumabag sa batas-lansangan ay aaregluhin kapalit ng katumbas na halaga na kanilang ipapataw kasama ni Dugayon ang kasabwat na nagngangalang Joel Acosta.

Sinabi pa ni P/Col. Rodriguez, na tanging mga kasapi lamang ng pulisya ang binibigyan ng pahintulot na manghuli ng mga may paglabag sa batas trapiko at hindi umano pinapayagan ng kanilang pamunuan ang sinumang sibilyang manghimasok sa operasyon ng pulisya.

Sa kasalukuyan ay hinihintay pa ang magiging disposisyon ng pamunuan ng IPPO partikular na si Provincial Director P/Col. Mariano Rodriguez kaugnay sa kinakaharap na kaso ni Dugayon.

Samantala, isa pa ring pulis ang nahuli dahil sa ilegal na aktibidad sa loob ng sabungan habang ito ay pumupusta.

Nakilala ang miyembro ng PNP na si PSSGT. Jojimar Rodriguez, nakatalaga sa Bayombong, Nueva Vizacaya. IRENE GONZALES

Comments are closed.