2 REBELDENG NPA UTAS SA ENGKWENTRO

NORTHERN SAMAR – DALAWANG kasapi ng rebeldeng grupo ang napatay kasunod ng armadong sagupaan ng Philippine Army-803rd Brigade at Regional Guerrilla Unit (RGU) na nasa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) kahapon ng umaga sa liblib na bahagi ng Barangay Sulitan, Catubig sa lalawigang ito.

Sumiklab ang sagupaan nang nirespondehan ng militar ang sumbong ng local residents hinggil sa nagaganap na pangingikil ng Communist-NPA terrorists sa mga magsasaka sa lugar.

Tumagal ng ilang minuto ang sagupaan bago nagpasyang umatras ang mga kasapi ng CPP-NPA at iwan na lamang ang bangkay ng kanilang mga kasamahan.

Kaugnay nito, nanawagan naman si BGen Perfecto Peñaredondo, acting Commander ng  8th Infantry Division sa mga nalalabing kasapi ng  Communist Terrorist Group na magsalong na ng kanilang mga sandata at harapin ang alok na pagbabagong buhay ng pamahalaan.

“The government forces will never cease in the fight to completely eradicate the insurgents in the region. With the help and support of the local chief executives and the community, through the Whole-of-Nation Approach, we will be able to realize the people’s aspirations for attaining socio-economic deve­lopment in the region,” ani Peñaredondo.

Nabatid na patuloy ang ginagawang pagtugis ng mga sundalo ng 8th ID sa mga tumakas na NPA kaya patuloy din ang panaka-nakang palitan ng putok sa area.

VERLIN RUIZ