SURIGAO DEL SUR – DALAWANG motorcycle riders ang nasawi nang bumangga at pumailalim sa isang passenger bus dahilan upang magliyab na agad na ikinamatay ng mga biktima sa Bislig City ng nasabing lalawigan kahapon.
Ayon sa report ng Bislig City Police Station, dahil sa pagsabog ng tangke ng motorsiklo ay nilamon ng apoy ang katawan ng dalawang lalaking naipit sa ilalim ng bus dahilan kaya hindi agad nakuha ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Damay sa lagablab ng apoy ang passenger bus na pag-aari ng Bachelor Express Inc. at minamaneho ng isang Daniel Dietez, 38-anyos, may asawa at residente ng Purok 5, Barangay Sto Niño, Kinamayan sa bayan ng Sto. Tomas, Davao del Norte.
Lumitaw sa pagsisiyasat ni P/ Master Sergeant Yudelou Gascon, ng Bislig City Police Station, naganap ang sakuna sa kurbadang bahagi ng national highway sakop ng Purok 2, Barangay San Jose.
Kasunod ng impact ang pagliyab ng ilalim ng bus kaya naglundagan palabas ang may 20 pasahero.
Habang hindi na nakuha pa na marespondehan ang dalawang rider na nasa ilalim ng bus kaya kasama silang nasunog na kung saan nadamay pa ang isang kubo sa gilid ng kalsada.
Dagdag pa ng opisyal, kanila na umanong pinoproseso ang identity ng dalawang biktima matapos na lumapit sa kanilang tanggapan ang nagpakilalang mga kasamahan nila sa trabaho habang inantay pa ang pag-claim ng kanilang mga kaanak sa kani-kanilang bangkay. VERLIN RUIZ
Comments are closed.