BULACAN – DALAWANG miyembro ng salisi gang na nakatangay ng mamahaling cellphone at cash ng kanilang biniktima ang nadakip sa entrapment operation na inilatag ng San Jose del Monte City (SJDM) police makaraang i-extort nila ng malaking pera ang kanilang biktima kapalit ng mga identification cards sa Barangay Muzon.
Kinilala ni P/Col.Chito Bersaluna, Bulacan police director, ang mga naarestong sina Marlon Labong y Eyog, 24, at Janwilfred Unabaia y Rancho, 22, kapwa residente sa lungsod na nakapiit ngayon at nahaharap sa kasong theft at extortion matapos biktimahin ang biktimang itinagosa pangalang Vivian.
Nabatid na naglatag ng entrapment operation ang pulisya laban sa dalawang suspek matapos lumapit sa kanya ang biktima na natangayan ng dalawang suspek ng dalawang cellphones at pouch na mayroong P10,000 cash.
Hindi pa nasiyahan at nakuntento ang dalawang suspek sa kanilang natangay sa biktima kaya kinontak nila ito at hiningan ng malaking halaga kapalit ng mga identification cards at dito na naglatag ng entrapment operation sa isang establisimiyento ang awtoridad at kumagat ang dalawang suspek kaya nadakip. MARIVIC RAGUDOS