APRUBADO na sa Commission on Appointments ang ad interim appointment nina Energy Secretary Raphael Lotilla at Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum.
Si Lotilla ay matatandaang dalawang beses na nasuspinde ang deliberasyon sa ad interim appointment nito sa CA bunsod na rin ng mahabang listahan ng magtatanong na mambabatas at kakulangan ng oras at sa ikatlong pagkakataon ay naaprubahan na rin ito.
Nangako si Lotilla na sa ilalim ng kanyang pamamahala ay sisikapin ng ahensiya na mabawasan ang singil sa koryente.
Nagbigay rin ng commitment ang kalihim sa pagsasaayos ng structural reforms sa mga tanggapan na nasa ilalim ng DOE at ang pagiging independent nito sa mga pagpapasya kahit noon ay naging bahagi at opisyal siya ng Aboitiz na isang electric service company.
Binigyang garantiya rin ni Lotilla ang targets ng DOE na maibaba ang dependence ng bansa sa coal energy upang mabawasan ang nararanasang global warming.
Samantala, aprubado rin agad ng CA ang ad interim appointment ni Solidum.
Ilan sa mga naitanong kay Solidum ang mga hakbang ng DOST sa research and development, food security, pagpapalakas ng agrikultura, at mga pamamaraan para mahikayat ang mga estudyante na sumabak sa science and technology. LIZA SORIANO