2 SELEBRASYON SA S. KUDARAT KINANSELA

ISULAN SULTAN KUDARAT

DAHIL sa magkasunod na pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat na kumitil ng limang buhay at sumugat ng halos 50, kinansela na ng local government ng Tacurong City ang dalawa sanang aktibidad para sa nalalapit na Talakudong Festival na magsisimula sa Setyembre 10 hanggang Setyembre 18, 2018.

Ang hakbang ay kasunod ng kumpirmasyon ni 6th Infantry Division commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na target ding pasabugan ng mga tero­rista ang nasabing lungsod.

Bukod sa Tacurong City, puntirya rin umano ang bayan ng Esperanza.

Ang nasabing impormasyon ay batay sa intelligence community ng pamahalaan.

Samantala, ang mga kinanselang aktibidad sa nasabing festival ay ang Ultra Marathon at ang Street Dancing kung saan maraming dumadalo, habang pinagkasunduan din na isagawa na lang ang lahat ng aktibidad sa city hall ground.

Samantala, ayon kay Supt. Joefel Siason, hepe ng Tacurong-Philippine National Police, sa ngayon ay kasama nila ang militar sa 24 oras na check-point papasok at palabas sa kanilang lungsod at pina­igting din ang kanilang intelligence monitoring.

Magugunitang isinantabi ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police na ISIS ang nasa likod ng ­unang pagsabog sa Isulan habang bineberipika rin ang pag-ako ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ikalawang pagsabog noong Linggo ng gabi sa Isulan din.    EUNICE C.

Comments are closed.