RIZAL- HALOS hindi na makilala ang bangkay ng tatlo katao kabilang ang dalawang senior citizen nang lamunin ng apoy ang kanilang tahanan sa bayan ng Montalban sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nakabase sa naturang bayan, dakong alas-3 ng madaling araw nang matagpuan sa naabong bahay sa Barangay San Jose ang katawan nina Reinero Basco, 79-anyos; asawang si Alegria, 78-anyos at ang kanilang apo na si Hephaesto Clark Basco, 20-taong gulang.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang mapansin ng mga kapitbahay ang naglalagablab na bahay ng pamilya Basco, hudyat para agad na tumawag ng saklolo mula sa mga lokal na bumbero.
Umabot ng kalahating oras bago naapula ang apoy na tumupok sa bahay ng mga biktima.
Wala naman ibang bahay na nadamay sa insidente pinaniniwalaang sanhi ng palyadong linya ng kuryente. ELMA MORALES