DALAWANG mag-asawang senior citizen ang natagpuang patay sa nasunog nilang bahay sa Cubao, Quezon City habang nakaligtas naman ang kanilang kasambahay.
Batay sa report, ang mga biktimang nakilalang sina Jose Arsenio Ong, 80-anyos at misis na si Elizabeth, 78-anyos, kapwa residente ng no. 88 Stanford Street, Barangay E. Rodriguez, Quezon City.
Nasa kustodiya naman ng pulisya si Marilyn Mante Pandita, kasambahay ng mga biktima.
Naganap ang sunog dakong alas- 8 ng gabi nitong Martes sa bahay ng mga biktima.
Nakaligtas ang kasambahay ng mga biktima, ngunit naghinala ang barangay dahil una siyang nakaligtas ng bahay at may bitbit pang maleta.
Dinala ang kasambahay sa barangay hall habang gumugulong ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Habang nasa kustodiya, tumakas umano ang kasambahay matapos magpaalam na magbabanyo lang siya.
Mula sa ikalawang palapag, lumundag ang kasambahay at makikita sa CCTV na kumaripas paalis.
Mabilis naman siyang natunton ng mga tanod habang naglalakad papunta sa sakayan dahil wala rin siyang tsinelas.
Dinala ang kasambahay sa pinangyarihan ng sunog para sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Nanindigan ang kasambahay na wala siyang ginawang masama.
“Kahit ano ang ginagawa niyo sa akin, wala akong ginagawang masama, hindi ko kaya ‘yon,” sabi ng kasambahay.
Ihahabilin sa PNP Criminal Investigation and Protection Unit ang imbestigasyon ng kung matutuklasan ng BFP na hindi sunog ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.
EVELYN GARCIA