RIZAL- MALAGIM ang sinapit na kamatayan ng dalawang senior citizen makaraang mabundol at maipit ng gulong ng truck ang sinasakyan nilang motor sa Circumferential Road, Barangay San Isidro, Antipolo City nitong Lunes ng umaga.
Base sa ulat ng pulisya, nakilala ang mga nasawi na sina Leandro Luico Ramos, 63-anyos at Nornarita Canon Buendia, 60-anyos na kapwa mga residente ng Poblacion, Antipolo City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, sakay ng kanilang motor sina Ramos at Buendia patungong palengke nang mabundol ang hulihan bahagi ng sasakyan ng isang Sinotruk dump truck na minamaneho ni Nilo Dasigan Torres, 62-anyos, may-asawa at residente rin sa lugar.
Ayon sa mga testigo, matapos na mabundol ng dump truck ang motor ay nahulog mula sa pagkakakapit si Buendia dahilan para mawalan ng panimbang si Ramos kung kaya’ t tuloy tuloy itong pumailalim sa panghuling gulong ng truk.
Matapos maipit ang babaeng biktima, tuloy tuloy pa rin ang takbo ng truk na nakaladkad pa ang motor kasama si Ramos na walang nagawa ng maipit din ng gulong.
Dead on the spot ang dalawang biktima sanhi ng matinding pinsala ng mga ito sa ulo.
Agad naman sumuko ang driver ng truck na nahaharap sa kasong double homicide.
ARMAN CAMBE