(2 siyudad sa Metro nakaalerto) ST BETTY NANANATILING NASA RED ALERT STATUS

NANANATILING nasa Red Alert Status ang office of Civil Defense habang nakataas ang storm signal sa 12 probinsiya sa Hilagang Luzon matapos na tuluyang nakapasok sa teritoryo ng Pilipinas ng super typhoon Betty nitong nakalipas na linggo.

Pinangangambahan magtatagal ang epekto ng bagyo dahil nag stationary ito o lubhang bumagal habang papalapit sa Hilagang Luzon partikular sa bahagi ng Basco, Batanes

Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Raffy Alejandro, bunsod nito ay higit pang paiigtingin ng nasabing tanggapan ang kanilang pagbabantay sa galaw ng bagyo, at kasabay ng kanilang disaster response.

Katuwang ang local government units pinaghahanda ng OCD ang kanilang Regional Offices sa inaasahang magiging epekto ng pananalasa ng Bagyong Betty sa ilang bahagi ng bansa.

Sa katunayan, nakalatag na rin ang ahensiya ng mga plano’t hakbang na gagawin sakaling magkaroon ng emergency habang nai-deploy at naka-stand by na rin ang kanilang mga rescue teams sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng naturang bagyo.

Habang nakapag preposition na rin sila sa pangunguna ng DSWD at LGUs ng kanilang relief goods na ipamamahagi ng mga kinauukulan sa mga pamilyang maaapektuhan nito.

Kasabay nito, itinaas ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang blue alert status bilang paghahanda sa posibleng epekto ng super typhoon Betty.

Sa paliwanag ni Manila Public Information Office Director Princess Abante, sa ilalim ng blue alert status lahat ng kagamitan na kailangan sa mga operasyon ng pagsagip at iba pang disaster response ay inihanda na kaakibat nito ang direktibang mag-ulat sa sitwasyon na ibinibigay tuwing 6 na oras.

Sa Maynila, ang mga panganib sa panahon ng bagyo ay ang mga baha at storm surge sa mga mababang lugar lalo na sa Baseco area, Isla Puting Bato, Parola compound, Barangay 105 at Barangay 128 — barangay malapit sa Manila Bay.

Ayon kay Rommel Allada, ang assistant communication officer ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na 24 oras na silang nag-ooperate at kanselado na ang rest days ng mga tauhan.

Ang DRRMO ay naghanda ng mga evacuation center partikular na ang Delpan Evacuation center kasama ang ilan sa kanilang mga gymnasium at mga paaralan na kinilala rin bilang mga evacuation center.

Kasama sa mga kagamitang ito ang mga rescue truck, flood control truck, transport truck, rubber boat at mga ambulansiya kabilang ang mga mobile kitchen truck.

“Sa nakikita niyo po nakahanda ang City of Manila sa paparating na bagyong Mawar o Betty, naka ready na po ang mga bangka natin, ang transport truck, rescue truck at food control truck natin para makatulong sa City of Manila,” ani Atty Princess Abante.

Samantala , sa siyudad ng Marikina, nagsimula ang paghahanda para sa super typhoon Betty simula pa nung Huwebes kung saan bukas na ang mga evacuation center at naghanda na rin ng food packs, mineral waters ang local government unit sakaling ipatupad ang preemptive evacuation gamit ang mga naka-standby na ang mga rescue boat.

Nabatid na umaabot sa 20,000 residente ng Marikina ang nakararanas ng paglikas dahil sa pagbaha.

Ang super typhoon Betty ay maaaring magdala ng malakas na hangin, malakas na ulan sa 3 ‘crucial’ na araw subalit hindi pa umano ito dahilan para mag-alala ang mga naninirahan malapit sa Marikina River dahil medyo mababa pa sa normal level yung tubig sa Marikina River. VERLIN RUIZ