2 SMNI HOSTS NA IDINETINE SA KAMARA LAYA NA

IPINAG-UTOS ng House of Representatives’  Committee on Legislative Franchises ang pagpapalaya sa hosts ng Sonshine Media Network International (SMNI) na sina Jeffrey Celiz at dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy mula sa kanilang pagkakadeteline sa Kamara “for humanitarian reasons”.

Si Celiz ay idinetine sa House of Representatives matapos ma-cite for contempt sa hearing na naganap ng Disyembre 5 matapos tumanggi itong sumunod sa kahilingan ng mga  miyembro ng committee na ibigay ang impormasyon  sa nagsabi sa kanila na umabot aniya sa P1.8 billion  ang travel expenses ni House Speaker Ferdinand Romualdez sa loob lamang ng isang taon.

Pinabulaanan ni  House Secretary General Reginald Velasco ang impormasyon na ito at  pinatunayang mali ang claim ng naturang host at sinabi  na ang kabuuang travel cost ng  House members at kanilang mga staff sa 2023 ay nagkakahalaga lamang ng P39.6 million.

Samantalang si Badoy naman ay ipinag utos ding iditine dahil umano sa “conflicting statements” sa “ advertising revenues” ng kanilang programang ‘Laban Kasama ng Bayan’ sa SMNI.

Ang naging kontrobersiyal na pahayag ng dalawa hinggil sa travel expenses na pinatunayan ng mga kongresista na maling impormasyon ay kanilang tinalakay sa naturang programa. Ang dalawa ay inakusahan ng mga House member ng committee ng “peddling of fake news”.

Sa isang panayam ay sinabi ni Parañaque City 2nd District Rep. Gustavo “Gus”  Tambunting,  chairman ng naturang  committee na ang release order para mapalaya na ang dalawa  ay walang kinalaman sa ginawang petition na isinampa ng mga kabiyak ng dalawa sa Korte Sumprema.

Idinagdag pa ni Tambunting na nagdesisyon  ang committee na palayain na sina Celiz at Badoy  “on humanitarian grounds” dahil ayaw din umano nilang magpasko ang dalawa sa Kamara lalo pa at huling araw na ng session  para sa Christmas break ngayong Disyembre 13. “Tomorrow is the last day of session and we do not want Mr. Celiz and Ms. Badoy to spend their Christmas and New Year in detention,” ani Tambunting.

Iginiit ni Tambunting na ang ginawang action ng padetine sa dalawa sa mababang kapulungan ay sang ayon sa Saligang Batas at mga umiiral na rules sa House of Representatives.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia