MAYNILA – PABABALIKIN sa kanilang lugar ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang overstaying at puganteng Korean upang kaharapin ang kani-kanilang mga kasong kinasasangkutan, ayon kay Immigration commissioner Jaime Morente.
Nabatid na naaresto itong dalawa ng mga tauhan ng bureaus fugitives units (BFU) nitong nakaraang linggo sa ikinasang magkahiwalay na operasyon ng mga ito sa Maynila at Mandaluyong City.
Kinilala ni Morente ang dalawang suspek na sina Oh Gwangrok, 48 anyos, at Park Seungjae, 44, na kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaantay ang kanilang deportation order.
Ayon sa pahayag ni BI intelligence officer Bobby Raquepo nasakote itong si Oh ng kanilang mga tauhan sa may vicinity ng Remedios Circle sa Malate, Manila noong Lunes sa bisa ng warrant of deportation na inisyu ni Morente.
Nakarating sa kaalaman ng pamunuan ng BI sa pamamagitang ng Korean Embassy na itong si Oh ay wanted sa Korea dahil sa fraud sangkot ang US$48,000 at paglustay ng nasa US$41,000.
Samantalang si Park, ay naaresto noong araw ng martes sa loob ng kanyang tinitirahan na condo unit sa Tivoli Garden Resi-dences sa Mandaluyong.
Nadiskobre na si Park, ay isang undocumented alien na may hawak na expired passport, at wanted sa kanilang lugar dahil sa smuggling at paglabag sa Korean’s customs act.
Batay sa rekord ng Korean court si Park ay nag-smuggle ng 11 types of counterfeits, kasama ang federal reserve bonds worth US$ 500 million, kung saan nilabag nito ang import prohibition sa forged currency, bond or stock.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BI napag-alaman na si Oh ay matagal ng naninirahan sa bansa ng walang kaukulang papeles mag mula pa nang Hulyo 2012, habang si Park ay nadiskubre na hindi siya nag-extend ng kanyang paninirahan sa Filipinas bilang turista simula pa noong Disyembre 2017. FROILAN MORALLOS