2% SPECIAL TAX RATE SA MICROFINANCE NGOs ‘WAG ALISIN – SOLON

SEN GATCHALIAN-3

TINUTULAN ni Senador Win Gatcha­lian ang panukalang pagtanggal sa 2% special tax rate para sa microfinance non-government organizations (NGOs) sa ilalim ng Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA), ang ikaapat sa comprehensive tax reform program ng Department of Finance (DOF).

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng mga microfinance NGO sa pagbibigay ng mababa at walang collateral na pautang sa mahihirap na vendors at iba pang maliliit na negosyo.

Nagbabala ang senador na maaa­ring bumalik ang mga mali­liit na negosyante sa ‘5-6’ na pautangan kapag itinaas ang kasalukuyang tax rate para sa microfinance NGOs dahil sa posibilidad na ipasa ito sa mga nangungutang sa kanila na karamihan ay galing sa mahirap na pamilya.

“Ang ikinatatakot ko ay kung magpapatupad tayo ng mas mataas na buwis sa grupong ito, maaaring maapektuhan ang may 6.5 mil­yon na micro entrepreneurs sa buong bansa,” ani Gatchalian.

“Ang ikinababahala ko ay muli na namang babalik ang ating mga kababayan sa ‘5-6’ na pautangan  kung saan ay mas mataas ang interes na ipapataw sa utang nila. Ang layu­nin natin ay i-promote ang entrepreneurship sa grassroots level, at bigyan sila ng lehitimong puhunan upang mapalago nila ang kanilang negosyo,” dagdag ng senador.

Sa Valenzuela, sinabi ni Gatchalian na ang siyudad na mismo ang nagbibigay ng pondo sa microfinance organization, na siya namang nagpapautang sa maliliit na mga vendor. Aniya, mas mabilis na nakakabayad ng utang ang mga humihiram sa microfinance NGOs kaysa sa direktang umuutang sa gobyerno.

Sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), noong 2018 ay  mayroong higit isang milyon (1,003,111) na mga negosyo ang may operasyon sa bansa. Nasa 998,342 o 99.52% sa kanila ay micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at 4,769 ang bilang ng malalaking kompanya.

Ang bilang ng mga pinakamaliliit na negosyo o micro enterprises ay nasa 887,272 o 88.45%, samantalang may 106,175 o 10.58% na small enterprises at 4,895 o 0.49% ang medium enterprises sa bansa.

Ang PIFITA ay pasado na sa Kamara pero pinagdedebatehan pa ito sa committee level ng Senado. VICKY CERVALES

Comments are closed.