2-STOREY townhouses ang magiging simbolo ng pabahay sa Maynila at pagpapataas ng antas ng pamumuhay sa Maynila.
Ito ang inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno matapos pangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna noong lunes ang paglulunsad ng ‘Base Community’ na siyang magiging bagong mukha ng Baseco sa Tondo, Manila.
Inanunsiyo ni Moreno sa nasabing pagtitipon na bibigyan ang mga mahihirap at walang matirahang residente ng Baseco ng ‘up-and-down’ o two-storey townhouses na may sukat na 20 square meters kada palapag at may two bedrooms, kitchen at toilet matapos na masunog ang nasabing lugar at hinati-hati ang lugar sa mga nakatira doon.
Kinilala ni Moreno ang naging tulong ni Lacuna at ng city council kung saan ito ang presiding officer at sinabing ang lahat ng plano ng pamahalaang lungsod ay natutupad dahil sa suporta ng mga miyembro ng Manila City Council.
Ipinangako din ng alkalde na ang horizontal housing project sa nasabing lugar ay matatapos sa loob ng tatlong buwan.
“Binaha-bahagi ang mga lote pantay-pantay, walang nagsisiga-sigaan, walang nagmamatapang, walang naggagaling-galingan o nang-aapi ng kapitbahay, ” sabi ni Moreno kasabay ng pagbibigay diin na kapag natapos na at nai-award na ang mga nasabing bahay ay hindi ito maaring ipagbili ng mga assigned owner.
“Ipakikita natin ano ba ang salitang ‘para sa mahirap’? O mas maganda ang salitang ‘mahal ko ang mahirap’, dahil ang pinairal ay malasakit. Di pwede na hinihimod ko lang lagi ang inyong wepaks para mailagay lang sa puwesto palagi… kailangan matutunan ng tao mapataas ang antas ng pamumuhay habang katabi niya ang pamahalaan,”diin nito.
Ibinunyag ni Moreno na noong una ay gusto lamang niya sa nasabing lugar ay maging maliwanag, pero nang makakita ng budget para sa nasabing housing project ay agad niya tinawagan si Balmoris para gumawa ng plano sa probisyon ng townhouses para sa mga residente.
”Hindi ito parang bahay ng kalapati. Me dignidad, hindi mema (me magawa lang). Mahirap gawin ang pabahay kaya sabi ko dapat gawin na nang maayos. Disente, maaliwalas, pangmatagalan,” pahayag pa ni Moreno na idinagdag na ang nasabing proyekto ay kumpleto rin ng episyenteng power at sewerage system at parking area. VERLIN RUIZ
Comments are closed.