LAGUNA – NALUNOD ang dalawang kabataang babaeng estudyante matapos tumalon sa Alligator Lake (Dagatan) nang habulin umano ang mga ito ng aso sa Brgy. Tadlac, Los Baños.
Nagplano ang mga biktima na sina Jhana Adlaon Belae, 9-anyos, at Haica Mae Espanola, 12-anyos, ng Brgy. Sucol, Calamba City, kasama ang iba pa na maligo sa lugar nang hindi umano inaasahang mapadaan ang mga ito sa isang pribadong lote na nasa gilid ng nabanggit na lawa.
Dahil umano sa matinding takot ng mga ito sa mga aso, napilitan silang tumakbo at tumalon sa malalim na bahagi ng lawa habang ang iba pa sa kanilang kasamahan ay agad nakakapit sa mga puno na nasa burol kaya nakaligtas.
Sa pamamagitan ng nagrespondeng miyembro ng Philippine Coast Guard at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRR-MO) unang nasagip ng mga ito ang biktimang si Belae kung saan binawian din ito ng buhay habang isinusugod sa JP Rizal Hospital.
Samantala, makalipas ang ilang oras na paghahanap, narekober ang katawan ni Espanola bandang alas-5:27 na ng hapon.
Ayon kay Los Baños Chief of Police PLt. Louie Dionglay, wala umanong pananagutan ang may-ari ng nasabing aso dahil private property aniya ang lugar bukod pa sa kinahol lamang ang mga biktima batay sa resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon.
Nagkataon din umano na sa malalim na lugar ng lawa tumalon ang mga biktima at pawang hindi marunong lumangoy habang ang iba pa sa kanilang kasamahan ay mapalad naman na hindi nasawi.
Samantala, giit naman ng ama ni Belae, hinabol aniya sila ng aso kaya napilitan silang tumakbo at tuluyang tumalon sa lawa.
Hiling din ng ama ng biktima na matulungan sana sila sa mga gastusin sa pagpapalibing. DICK GARAY