CAMARINES SUR – Halos 200,000 na pampasuweldo sana sa mga construction worker ang natangay ng mga kawatan sa Barangay Maangas, Presentacion.
Nabatid na binabaybay umano ng pick-up na minamaneho ng isang Rolly Burabo, 30-anyos, ang kahabaan ng kalsada sa nasabing lugar kasama sina Anthony Bo at Ronel Ricafort, kapwa 29-anyos, nang bigla na lamang silang harangin ng anim na armadong kalalakihan.
Dalawang beses umanong pinaputukan ng mga suspek ang mga biktima, ngunit masuwerteng ang windshield lamang ng kanilang sasakyan ang tinamaan.
Sapilitan umanong tinangay ng mga suspek mula sa mga biktima ang P182,000 na perang nakalaan para sa mga trabahador ng Springfield Construction Company.
Napag-alaman na tinamaan pa ng ligaw na bala ang dalawang katao na lulan naman ng motorsiklong binabagtas din ang parehong kalsada ng mga oras na ‘yon.
Kaagad naman na naisugod sa ospital ang dalawa habang iniimbestigahan pa ng pulisya ang naganap na panghoholdap. AIMEE ANOC
Comments are closed.