2 SUNDALO SUGATAN SA PANANAMBANG

BASILAN – DALAWANG sundalo ang nasugatan makaraang tambangan ng armadong kalalakihan ang kanilang sasakyan papuntang medical mission, kahapon ng tanghali sa bayan ng Al Barka sa lalawigang ito.

Ayon kay Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, naganap ang pananambang sa bahagi ng Barangay Magcawa Al Barka, Basilan habang sakay ng kanilang military vehicle ang mga sundalong kasapi ng 45th IB para sa medical mission sa naturang bayan.

Bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ng mga armadong grupo na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang sundalo habang mabilis na tumakas ang mga suspek.

Agad naman nilapatan ng lunas ang dalawang sundalo at ngayon ay nasa ligtas ng kalagayan.

Sinabi ni Luzon na nakipag-ugnayan na rin siya sa pinuno ng Moro Islamic Liberation Front sa lugar ng pinangyarihan ng pamamaril para sa pagkakakilanlan ng mga suspek na responsable sa pag-atake.

EVELYN GARCIA