MAKAKAUWI na ngayong araw ang dalawang nakaligtas sa tumaob na M/V Gulf Livestock 1 dahil sa malakas na alon sa Japan.
Sa ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Labor Attache Elizabeth Marie Estrada ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka na sina Chief Officer Eduardo Sareno at A/B Jay-nel Rosales ay makakauwi na via Philippine Airlines PR 427 mula sa Narita Airport at darating sa Maynila ngayong araw, Sabado dakong ala-5 ng hapon.
Ang M/V Gulf Livestock 1 ay isang Panamanian-flag vessel na pagmamay-ari ng Gulf Navigation Holding na nakabase sa UAE ay lumubog dahil sa problema sa makina sa kasagsagan ng bagyo sa karagatang sakop ng Southern Japan.
Ang cargo vessel ay mayroong 43 crew: 39 Filipino, 2 Australian, at 2 New Zealand national na may kargang 5,867 na baka na umalis sa Post of Napier sa New Zealand noong ika-14 ng Agosto at patungo sa Port of Jingtan sa Tangshan, China.
Inaasahan sanang makakarating ng Jingtan nitong Setyembre 3 subalit, natanggap mula sa barko ay isang distress call noong umaga ng Setyembre 2 sa Japan Coast Guard na nakadestino sa isla ng Amami Ooshima sa Kagoshima prefecture.
Si Chief Officer Sareno ay nailigtas ng Japan Coast Guard noong umaga ng Setyembre 3 habang si Rosales ay nailigtas noong Setyembre 6 ng hapon, kapwa inoobserbahan sa Kagoshima-ken Kenritsu Ooshima Hospital at inilipat sa Hotel New Amami habang hinihintay ang kanilang repatriation pabalik sa Pilipinas.
Gayundin, pinagkalooban ng POLO sa dalawang survivor ng isang bagahe ng damit, kagamitan at US$ 200 para sa kanilang pangangailangan.
Samantala, patuloy ang Japan Coast Guard sa isinasagawang ‘search and rescue operation’ upang mahanap ang 40 na ibang pang crew at ang barko. PAUL ROLDAN
Comments are closed.