2 SUSPEK NA PUMATAY SA GRADE-6 STUDENT ARESTADO

CAVITE- NASAKOTE kahapon ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pagpatay sa grade-6 student sa Brgy. Sta. Clara, Gen. Trias sa lalawigang ito.

Kinilala ang dalawang suspek na sina alyas “Chester”, nasa hustong gulang, construction worker, at ang kaibigan nitong si alyas “Alex”, 35 anyos, driver, pawang mga residente ng Brgy Navarro ng nasabi ring lungsod.

Tinutukan ng pulisya ang pagtugis sa mga suspek na nadakip sa magkahiwalay na operasyon.

Una nang naaresto ang suspek na si alyas Chester dakong alas-12:20 ng madaling araw kahapon sa Brgy. 1896th Gen Trias at kasunod nito ay ang suspek na si alyas Alex na naaresto sa Brgy Navarro dakong alas-7 ng umaga sa Gen. Trias.

Ayon kay Cavite Provincial Director Col Eleuterio Ricardo Jr, hindi umano sila tumigil sa pagtugis sa mga suspek sa karumal dumal na krimen.

Katuwang ang PIB Intel Operatives ng Cavite PPO at Gen Trias Police, matiyagang inabangan at binantayan ng grupo ang mga lugar kung saan namataang nagtatago ang mga suspek.

Matatandaan na natagpuang walang buhay ang katawan ng 11 anyos na biktimang si Rheamae Betonio Moreño, residente ng Brgy. Sta Clara, Gen. Trias City sa masukal na lugar ng Brgy Sta Clara dakong alas-11 ng umaga kamakalawa.

At binigti ito ng mga suspek bago halinhinang ginahasa ng mga suspek na posibleng mga lango sa droga. SID SAMANIEGO