2 SUSPEK SA LOVE SCAM NASAKOTE

BATANGAS – NAKAKITA ng pag-asa ang 72-anyos na lola na biktima ng love scam sa lalawigang ito.

Ito ay makaraang maaresto ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) ang dalawang suspek sa “Love Scam”.

Ayon kay ACG Spokesperson Capt. Michelle Sabino, nahuli ang babae at lalaking suspek sa entrapment operation sa Las Piñas nitong Oktubre 10.

Base sa reklamo ng biktima, nakilala niya noong Marso 27, 2023 ang suspek sa Facebook bilang “Evans Maxwell” na nagpanggap na Amerikanong manliligaw.

Dahil sa nahulog na ang kanyang loob, hindi nag-alinlangan ang biktima nang magpadala siya ng P700,000 sa pamamagitan ng manager’s check sa isang “Louie John Petere”; at P1.2 milyon naman ang ipinadala niya sa money remittance service sa isang “Laiden Petere” para pang-biyahe umano ng suspek.

Pero nagduda na ang biyuda nang hingan siya ng karagdagang $20,000 ng suspek at nagsumbong na sa ACG.

Ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa Las Piñas Police station ay kakasuhan ng Swindling/Estafa kaugnay ng paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act. EC