2 SUSPEK SA PAMAMARIL SA BRGY CHAIRMAN ARESTADO

BATANGAS- HAWAK na ng pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay kay Barangay Tserman Erasmo Divino Hernandez matapos masakote sa isinagawang follow-up operation ng Taal PNP Martes ng hapon.

Base sa report ng Taal PNP kay Batangas Provincial Director Col. Samson Belmonte, kinilala ang mga suspek na sina Peter Paul Lozande y Ferrera at MJ De Villa y Radasa na sinampahan ng kasong Murder at Obstruction of Justice Provincial Prosecutor, Pallocan West, Batangas City.

Naaresto ang dalawang suspek sa Barangay Halang sa bayan ng Taal ilang oras matapos ang krimen dahil na rin sa tulong ng CCTV.

Narekober din ng mga pulis ang ginamit na motorsiklo ng mga suspek matapos abandonahin malapit sa sabungan sa nasabing barangay.

Matatandaang nitong nakaraang Martes ay pinagbabaril si Kapitan Hernandez ng Barangay Poblacion Zone 10 bayan ng Taal habang nakaupo sa harap ng kanilang barangay hall bandang alas-7:20 ng umaga noong Martes.

Naisugod pa sa ospital si Hernandez pero namatay din habang ginagamot sa emergency room dahil sa mga tama ng bala ng kalibre 45 baril.

Si Tserman Hernandez ay re-eleksyonista bilang kapitan sa darating na Barangay at SK eleksyon.
BONG RIVERA