MASBATE- NADAKIP na ang dalawang lalaking suspek sa Placer slay case na tinuturong sumaksak sa driver at cook sa loob ng Catholic Parish Church sa Placer nitong nakalipas na linggo matapos ang inilunsad na manhunt operation ng mga tauhan ng PNP Regional Office 5.
Sa report na isinumite kay PNP-PRO5 Regional Director, PBGEN Jonnel Estomo napatay sa pananaksak si Arnel Delapoz, residente ng Roxas Street, Brgy. Poblacion, Cataingan.
Si Delapoz ay natagpuang duguan sa isang kwarto sa loob mismo ng simbahan ganap na 9:00 ng umaga ng nasabing araw.
Matapos ang masusing imbestigasyon ng Placer MPS, nakilala na sa pamamagitan nang nakuhang CCTV footages ang mga nasa likod ng krimen.
Nakita ang dawala na palakad lakad sa nasabing gusali na may dalang patalim.
Ang mga ito ay tinukoy sina Retche Laurente, 27-anyos, walang asawa at residente ng Area II Big Banana, Sta Quiteria, Kalookan City, NCR; at si Jordan Nepomuceno, 31-anyos, isang residente naman ng Brgy. Nursery, Masbate City.
Agad na ikinasa ng mga pulisya, ang manhunt operation at nitong Linggo lamang, Nobyembre 7, 2021 dakong 11:45 ng gabi natunton nang pinagsamang operatiba ng Masbate CPS, Placer MPS at ang PIU-Mas PPO kinaroroonan ng dalawa sa Brgy. F. Magallanes, Masbate City.
Ito ay positibong kinilala ng mga saksi sa nasabing insidente.
Pagnanakaw ang tinitingnang anggulo sa panloloob at pamamaslang sa suspek.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Placer MPS at nahaharap sa kasong robbery with homicide. VERLIN RUIZ