CAVITE- NALAMBAT ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ( CIDG) ang dalawang notorious swindler na nagbebenta umano ng mga lupang walang titulo sa ikinasang entrapment operation sa Barangay Molino, Bacoor nitong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga suspek na sina Marife Robinos, 36-anyos at Allan Fresnido, 35-anyos, kapwa mga opisyal ng Dahum Builder and Development Corporation na may tanggapan sa nasabing lugar.
Sa pahayag ni Lt.Col. Benedict Poblete, chief ng CIDG Cavite, si Robinos ay tumatayong Administrative staff ng kompanya samantalang si Fresnido ang Manager ng nasabing korporasyon.
SA isinagawang imbestigasyon, karamihan umano sa mga nabiktima ng mga suspek ay mga OFW na nakapagbigay sa kanila ng halos milyong halaga kapalit lupang matitirikan ng bahay na kalaunan ay wala palang titulo.
Ayon pa kay Poblete, 35 investors na umano ang pormal na naghain ng reklamo sa kanilang tanggapan kung saan ang ilan sa kanila ay sa patubuan pera nangutang.
Sa ginawang berepikasyon ng CIDG sa Securities and Exchange Commission (SEC), lumalabas na hindi rehistrado sa naturang korporasyon at wala din umano itong sertipikasyon sa Department of Human Settlement and Urban Development na siyang pangunahing legal na proseso.
Ayon pa kay Poblete, isang investor ang humingi ng tulong sa kanila hinggil sa hinihinging down payment sa lupang iniaalok ng mga suspek.
Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis na humantong sa pagkakaaresto nina Robinos at Fresnido.
Nakadetine sa CIDG custodial facility ang dalawa at nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 957 o ang Subdivision and Condominium Protection Decree , Swindling at Estafa. ARMAN CAMBE