2 TERORISTA UTAS SA ENGKUWENTRO

terorista

SULTAN KUDARAT- NAMATAY noon din ang dalawang kasapi ng teroristang grupo ng executive committee ng Sub-Regional Command (SRC) – Daguma of Far South Mindanao Region (FSMR) nang makaengkwentro ang tropa ng militar sa lalawigang ito.

Ayon kay Lt. Col. Guillermo Mabute Jr., pinuno ng 57th Infantry (Masikap) Battalion, bandang alas-5:43 ng umaga nang maganap ang sagupaan sa Sitio Lamuan, Barangay Salangsang, Lebak, Sultan Kudarat.

Sinabi ni Mabute, nakatanggap sila ng report hinggil sa pangingikil ng armadong grupo sa nasabing lugar.

Agad na naglatag ng decisive military operations ang tropa ng pamahalaan laban sa mga teroristang grupo at pagdating sa naturang lugar agad silang pinaputukan ng higit sa 10 kasapi ng FSMR.

Gumanti naman ang mga sundalo na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang terorista habang mabilis naman tumakas ang mga kasamahan ng mga nasawi.

Narekober sa lugar ng bakbakan ang isang 5.56mm M16 rifle, isang Cal .45 pistol, isang granada, mga magasin, mga bala, subersibong dokumento, mga personal na gamit at ibang pang-giyerang kagamitan.

Nagpapatuloy naman ang ginawang pagtugis ng tropa ng pamahalaan laban sa mga nalalabing teroristang grupo.

EVELYN GARCIA