2 TIKLO SA BARIL AT P500-K SHABU

ARESTADO ang dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos makuhanan ng baril at mahigit kalahating milyon halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation kamakalawa ng umaga sa Malabon City.

Naaresto ang mga suspek na sina Pierce Joshua Nicholas Pascual at Wendy Roble, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, isinagawa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation bandang ala- 6:10 kamakalawa ng umaga sa Pureza St., Brgy. Tugatog kung saan isang undercover police ang nakipagtransaksyon sa mga suspek.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng droga ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang tinatayang nasa 75 gramo ng shabu na may standard drug price P510,000.00, buy bust money at isang caliber .40 pistol na kargado ng magazine at may laman dalawang bala.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang dagdag na kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunation ang kakaharapin pa ni Pascual. VICK TANES