2 TIKLO SA SINIKWAT NA PINTUAN NG MAYOR’S LEAGUE BLDG.

arestado

CAVITE – WALANG sinasanto sa nakawan ang dalawang construction worker na ultimo pintuang kahoy na nakakabit sa Mayor’s League Building ay magkasabwat na sinikwat kung saan nasakote ng awtoridad sa 1st Reyville Subd., Barangay Habay 2, Bacoor City, kamakalawa ng gabi.

Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Roberto Corpuz y Agasang, 38; at alyas Gerald  20, kapwa nakatira sa Brgy. Habay 2, Bacoor City.

Base sa police report ni PSMS Feliciano Garcia na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na palihim na pumasok sa gusali ng Mayor’ League ang mga suspek kung saan binaklas ang pintuang kahoy na nasa ikalawang palapag.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay may nakapagbigay ng impormasyon sa mga opisyal ng barangay kaugnay sa modus operandi ng dalawa kaya naman mabilis na rumesponde ang mga awtoridad sa pangunguna nina Eduardo Obong at Victorino Erese Jr.

Dito na naaktuhan ang mga suspek na magkatuwang na bitbit ang pintuang kahoy na nagkakahalaga ng P6,000 habang papalabas ng nasabing gusali.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na nagsising-alipin sa ginawang pagnanakaw kung saan nahaharap sa kasong robbery. MHAR BASCO

Comments are closed.