2 TIMBOG SA P4.7-M PUSLIT NA SIGARILYO

DAVAO CITY- NASAMSAM sa dalawang lalaki ang P4.7 milyon halaga na mga ipinuslit na sigarilyo sa isinagawang operasyon ng awtoridad sa lalawigang ito.

Batay sa report ng Davao City Police Office (DCPO) ang mga naarestong suspek ay kinilala sa alyas Edgardo, 32-anyos at alyas Johnrey, 30-anyos, kapwa residente ng Kiblawan, Davao del Sur.

Nabatid na ang naturang operasyon ay inilunsad ng pinagsanib na puwersa ng Task Force Davao, Davao City Police Office at Bureau of Internal Revenue (BIR) Davao Region kung saan nasabat ang mga suspek sa Davao City Entry Point sa Barangay Lacson, Calinan District, Davao City na lulan ng kulay gray na Mazda close van na plakang NFK 8239.

Nakuha sa mga suspek ang 150 kahon naglalaman 7,500 ream na mga smuggled na sigarilyo na kinabibilangan ng 100 kahon na King Perfect at 50 kahon na New Berlin Menthol Cigarettes.

Ayon kay Task Force Davao Commander Colonel Darren E. Comia, nagpapasalamat sila sa kooperasyon ng mga residente at concerned citizen na nagbigay na impormasyon hinggil sa iligal na sigarilyo na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Tinurn-over naman sa tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) Davao ang mga nakumpiskang iligal na sigarilyo, kasabay ng pagsasampa ng kasong paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997 laban sa mga suspek. EVELYN GARCIA