2 TIMBOG SA P6.8-M SHABU

LANAO DEL SUR- NASAKOTE ang dalawa katao kasabay ng pagkakasamsam sa P6.8 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa bayan ng Bubon sa lalawigang ito.

Batay sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek na nadakip ay nakilalang sina Jamel Dimaporo, 29-anyos, at Jalil Macaayong, 19, kapwa taga-Maranao.

Ayon kay Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, inilatag ang operasyon laban sa mga suspek kamakalawa ng hapon sa liblib na lugar sa Barangay Pindolonan ng nasabing bayan.

Nasamsam sa mga suspek ang higit isang kilong shabu na aabot sa halagang P6.8 milyon.

Sinabi ni Castro, nadakip ang mga suspek matapos ituro ng isang drug dealer na si Lawa Abedin na nadakip nitong Pebrero 6 sa Barangay Bugaran Piagapo, Lanao del Sur.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
EVELYN GARCIA