2 TIMBOG SA P680-K SHABU, BARIL

PASOK sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos makuhanan ng halos P.7 milyon halaga ng shabu at isang baril sa buy bust operation sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek bilang sina Raymond Ejara, 36-anyos ng Barangay 176, Bagong Silang at Arlene Gaspang, 24-anyos ng National Highway, Cabuyao, Banay Banay, Laguna.

Sa report ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director BGen Ulysses Cruz, bandang ala-1:30 ng hapon nang magsagawa ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Gilmer Marinas at 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operation sa kahabaan ng Phase 8B, Kaagapay Road, Barangay 176.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P37,500.00 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium heat sealed plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakma ng mga operatiba.

Narekober mula sa mga suspek ang humigi’t kumulang 100 gramo ng shabu na may standard drug price P680,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 37 pirasong P1,000 boodle money at isang cal. 38 pistol na may tatlong bala.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) ang kakaharapin ni Ejara. EVELYN GARCIA