2 TIMBOG SA PEKENG HEALTH CERTIFICATE AT TRAVEL PASS

fake

NASAKOTE sa entrapment operation ang dalawa lalaki dahil sa pamemeke ng health certificate at travel pass sa San Juan City kamaka­lawa ng kahapon.

Kinilala ni San Juan Police Chief Col. Jaime Santos ang mga nadakip na sina Angelito Benipayo y Tuibuen, 42-anyos, may-asawa, graphic artist at Laverne Esquivias y Lomboy, 32-anyos, grab driver.

Ito ay matapos mag­reklamo ang isang Dardy Sasis laban sa mga suspek dahil sa kaduda-dudang mga dokumento ng health certificate at travel pass na ibinigay sa kanyang misis.

Dahil dito, agad na nag-request si P/Lt. Wilfredo Abenoja kay City Health Office Dr. Rosalie M. Domingo at nakumpirma na peke ang mga dokumento at ang signature dahil sa ini-scanned lang ito.

Kaya’t agad na ikinasa ang entrapment operation nina Cpl. Mark Jayson Janoyan at Pat. Rochello Corpuz San Juan Sub Station-1 PNP sa loob ng Burn and Jhoy Cellphone and Mobile Service sa Unit L-34, Ground Flr., Greenhills sa nasabing lungsod.

Nagpanggap na costumer ang mga pulis kasama si Sasis para bumili ng health certificate at travel pass sa halagang P700.00.

Aktong nagkabayaran at nakuha ang pekeng dokumento, agad na inaresto ang mga suspek kasama ang marked money laptop, printer at laminating machine.

Kasong Forgery, Falsification of Public Documents at Obstruction of Justice ang kinakaharap ng mga naaresto habang nakapiit ang mga ito sa San Juan detention cell. ELMA MORALES

Comments are closed.