BATANGAS- PATAY sa pananaksak ang isang 36-anyos na ginang makaraang magwala sa galit ang kalive-in sa Barangay San Piro, Balayan sa lalawigang ito kamakalawa ng umaga.
Patay din sa dami ng saksak sa katawan ang kapitbahay na lalaki ng biktima na umano’y kalaguyo nito.
Sa pahayag ni Major Alberto Nogoy Jr, chief of police ng Balayan, ang mga biktima ay nakilalang sina Analyn Alico, may-asawa at Edison Nucup, 28-anyos, tubong Pampanga at naninirahan sa nabanggit na barangay.
Kinilala naman ng pulisya ang suspek na si Remigio Doble, 35-anyos at live-in partner ni Alico.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, matagal na umanong may hinala si Doble sa asawa nito na may namamagitan relasyon ito sa kanilang kapitbahay na si Nucup.
Itinanggi naman ni Angel, anak nina Analyn at Doble ang paratang ng ama.
Naganap ang insidente nitong Huwebes ng umaga nang magwala at magalit ang suspek at biglang pinagsasaksak nito ang kalive- in at pagkatapos ay sinugod ang nakatalikod na si Nucup at sunod- sunod na inundayan ng patalim.
Dead on arrival sa ospital ang dalawang biktima samantalang madali naman nadakip ng mga rumespondeng pulis ang suspek na walang pagsisisi sa kanyang nagawang krimen.
Isinuko din ng suspek sa mga pulis ang patalim na ginamit nito sa pagpatay sa dalawa.
Naiuwi na rin sa Pampanga ang mga labi ni Nucup. ARMAN CAMBE