2 TODAS, 1 SUGATAN SA BANGGAAN NG 2 MOTORSIKLO

Buenavista

QUEZON – ISANG bumbero at isang lalaki ang patay habang isang babae ang sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo nitong Linggo ng gabi sa Buenavista-Catanauan Road, Brgy. Wasay Ibaba, Buenavista sa lalawigang ito.

Base sa report ng Buenavista Municipal Police Station, dakong ala-5:40 ng hapon papunta sa kanilang Fire Station ang bumberong si FO1 Emar Amamag-id Paje, 27-anyos na sakay ng kanyang motorsiklo nang makabanggaan nito ang isang motorsiklo na minamaneho naman ni Alfred De Guzman Tolosa, 20-anyos.

Sa lakas ng salpukan ng dalawang motorsiklo ay nagtamo ng grabeng pinsala sa katawan ang parehong driver, habang ang backrider ni Tolosa na si Fevilla Papanggo De Guzman, 22-anyos, ay nagtamo ng mga minor injury sa kaliwang braso at katawan.

Kaagad na isinugod ng nagrespondeng Buenavista MDRRMO sa Magsaysay District Hospital sa Lopez, Quezon ang mga biktima subalit parehong dineklarang dead on arrival (DOA) ang dalawang driver.

Habang ang back­rider na si De Guzman na residente ng Dagat-Dagatan, Navotas City ay nanatiling naka-confine sa ospital at ginagamot ang tinamo nitong mga sugat.

BONG RIVERA