QUEZON- DALAWA ang patay at isa ang sugatan sa magkasunod na kaso ng pamamaril sa bayan ng Sariaya kamakalawa ng gabi.
Base sa report ng Sariaya PNP, isang tama sa batok ang agarang ikinasawi ng isang biktimang si Jayson Alzon, 37-anyos, vendor na binaril ng suspek na si Alyas Reymart habang natutulog sa kanyang bahay sa Sitio Sta Clara, Brgy. Sampaloc 2, bayan ng Sariaya dakong alas-7:30 ng gabi.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos isagawa ang krimen sa hindi malamang direksyon.
Dead on the spot naman ang biktima ng isa pang insidente ng pamamaril na si Emerson Roño, 42-anyos, residente ng Brgy Manggalang 1, Sariaya na pinagbabaril ng hindi nakilalang salarin habang nakatayo sa harap ng tindahan sa Brgy Bignay 2 dakong alas-11:30 ng gabi.
Bigla na lamang dumating ang suspek at niratrat ang biktima at katabi nitong isa ring vendor na si Pryan Buela.
Hindi naman napuruhan si alyas Buela na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Mabilis din tumakas ang salarin matapos ang pamamaril.
Hanggang sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan sa mga suspek at ang motibo ng pamamaril.
BONG RIVERA